Hayskul. Sino ba ang makakalimot sa yugto ng buhay na ito? Kalokohan? Dyan magaling ang mga estudyante. Talagang pinaninindigan ang kasabihang “Kung wala kang gagawing kalokohan noong bata ka, wala kang pagtatawanan pagtanda mo”- nakakatawa pero totoo nga naman. Eto ang mga ala-alang kay sarap balikan at pagtawanan.
PAPEL
Sa oras na sabihin ng guro” Okay class, get 1 whole sheet of pad paper”, hala, eto na ang mga estudyanteng penge ako , ako din at halos lahat na sila ay magpipilahan sa kaawa-awa at dakilang may papel. Wala ka nga namang choice, kapag di mo bibigyan ikaw pa ang lalabas na walang puso at madamot. Hay, estudyante nga naman. At kapag nagkulang sa papel, hihingi na naman sa dakilang may papel at magsusunod-sunuran ang iba kaya dumadating minsan sa punto na wala na talagang nagdadala ng papel, may ibang may dala ngunit pumilas lang ng isa at sabay tago na ung isang buong papel.
KOPYAHAN
Eto ang pinakamalalang sakit na kumakalat sa oras ng eksam. Wari bang sinasapian ang mga hindi nagrebyu at wala talagang balak , dinaig pa si Linda Blair, makakuha lang ng sagot (ang tanong tama ba ung nakopya) ang mga mata eh paikot-ikot , ikot ng ikot. Minsan di talaga makokontento sa pag-ikot ng mata at talaga namang kakalabitin pa ung nagsasagot at palihim na tatanungin ung sagot, at kapag hindi sinagot, magpapatuloy na naman ang sapi at iikot-ikot na naman ang mga mata. Hay, estudyante nga naman.
CUTTING
“Tara pare cutting tayo”. Naku, numero uno dito ang mga lalaking nagdo-DOTA o COUNTER STRIKE. Walang pambili ng papel pero may pang computer?? Hanep talaga. Kahit lagyan ng bubog ang mga bakod sa eskwelahan, nakakalusot pa rin!. Immune na ata sa mga bubog ang mga lalaking ito o nagtratransform na din sila bilang mga character ng DOTA. DOTA DOTA, number one sila dito pero pagdating ng test hala, nangangamote at kamot nalang ng kamot ng ulo. Kung siguro may sadyak na DOTA, wala nang magcucutting at lahat ay 100, walang rebyu rebyu, at palaging present ang mga mababait na bata.
EXCUSE LETTER
Sa lahat ng letter, ito ang pinakapaborito ng mga estudyante. Syempre nga naman, bukal sa puso ang liham na ito at napakaluwag sa damdamin gawin, pwede nang ipanlaban sa mga kompetisyon ang mga estudyante sapagkat dalubhasang dalubhasa na. NUMBER ONE!. Kapag ayaw nyo magklase, “tara gawa excuse letter” at magsisingisi ang lahat, ngising lampas tenga at abot langit na kagalakan ang nararamdaman. Kapag naman ayaw pumasok, gagawa na naman ng dakilang excuse letter na may pekeng pirma ng magulang ( pati paggaya sa pirma ng magulang, dalubhasa na rin kaming mga estudyante), at ipapadala sa kakuntyabang kapitbahay. Ang estudyante nga naman, gagawin ang lahat para lang di pumasok. Pagkapasok kinabukasan, ayan ang mga kaklase mong mangangantyaw at sasabihing”wala ka talagang sakit nho?” , sabay pabulong na sasabihing, wag kang maingay kay titser ah. Sus, nagawa na din yan ng guro mo noong estudyante pa siya, ililihim mo pa ba?
Napapangiti ka diba? Kasi sobra sobrang nakakarelate ka? Bahagi yan ng pagiging isang estudyante, estudyanteng numero uno pagdating sa kalokohan, katamaran at kung anik anik. Ngunit, diba masaya maging isang estudyante sapagkat nararanasan mo ang lahat ng bagay na hindi mo na magagawa kapag ikaw ay nag asawa na o di kaya ay tumanda na? Kaya’t gawin nating masaya ang bawat araw natin, ngunit hindi naman puro kalokohan kasi baka hindi ka na gumradweyt pa.